Monday, December 27, 2010

A Repost From PEP (Philippine Entertainment Portal)




Ai-Ai delas Alas and Kris Aquino urge people to watch Dolphy's MMFF movie

Ai-Ai delas Alas and Kris Aquino urge people to watch Dolphy's MMFF movie
Slideshow: Showbiz Photos

Naging emosyunal si Ai-Ai delas Alas nang magbigay-pugay siya sa King of Comedy na si Dolphy at hilingin sa mga tao na huwag nang iboykot ang pelikula nitong Father Jejemon, na isa rin sa mga entry sa ginaganap ngayong 2010 Metro Manila Film Festival.

Ito nga ang isa pang wish si Ai-Ai bukod sa wish niya na manalo ng Best Actress award sa 2010 Metro Manila Film Festival Awards Night na eventually natupad nga kagabi, December 26. (CLICK HERE to read related story.)

Ilang oras bago ang awards night ay nabunyag ang mga wish na ito ni Ai-Ai sa kanyang live guesting sa The Buzz kahapon habang kausap ang host na si Boy Abunda at guest host na si Kris Aquino.

Matapos magpasalamat ni Ai-Ai sa mga tao dahil sa malaking kinita ng pelikula niyang Ang Tanging Ina Mo (Last Na 'To!) sa first two days ng MMFF ay inihayag na niya ang kanyang wish para kay Mang Dolphy.

Aniya, "Sana po ay patuloy n'yo pa ring tangkilikin ang Tanging Ina. Pero meron pa rin po akong isang kahilingan sa inyo.

"Ngayon pong Pasko, puwede namang dalawa ang inyong gift. Yung gift n'yo po sa akin sa Tanging Ina, sa Dalaw ni Kris.

"Isa pa rin pong hinihiling ko sa inyo. Kasi po, tutal tapos na naman po yung mga kontrobersiya tungkol sa sensitibong parte sa pelikula ni Tito Dolphy, natanggal na.

"Alam n'yo po kaming mga komedyante, nandito po kami... si Tito Dolphy po muna bago po kami. So, malaki po ang utang na loob namin kay Tito Dolphy, kaming mga komedyante.

"Dahil siya po ang unang-una na nagpauso ng mga comedy. Ni-ready niya po ang mga taong-bayan para sa comedy films ng Metro Manila Filmfest.

"Ngayon po, nakikiusap po ako na sana panoorin po natin ang Father Jejemon," naiiyak na hiling ni Ai Ai.

Ito raw ang isang paraan niya para bigyang-pugay ang Comedy King.

"Ako po, nagbibigay-pugay po ako kay Tito Dolphy dahil gusto ko pong maging masaya siya. Kaya sana manood po kayo ng Father Jejemon."

Matatandaang ilang sektor ang pumuna sa ilang eksena sa pelikula na umano'y pambabastos sa paniniwala sa relihiyong Katoliko. Ito nga ay ang communion scene kung saan nahulog sa dibdib ng isang babae ang banal na ostiya at naipit naman sa pustiso ng isa pa.

May ilang grupo pang nagtawag na iboykot daw ang Father Jejemon.

Bago nga lumala pa ang naturang kontrobersiya ay nag-self regulate na ang produksyon nina Dolphy at Zsa Zsa Padilla at tinanggal na ang mga naturang eksena. (CLICK HERE to read related story.)

Bukod sa pag-iisyu ng public apology, sumailalim din ang Father Jejemon sa second review ng Movie and Television Review and Classification Board.

Ang kontrobersiyang ito ang isa sa itinuturong dahilan kaya kasalukuyang nangungulelat sa takilya ang Father Jejemon.

KRIS PRAISES DOLPHY. Matapos magsalita ni Ai-Ai, si Kris naman ang nagbahagi ng kanyang kuwento tungkol kay Mang Dolphy.

"Ikukuwento ko lang yung what he did for my brother [President Noynoy Aquino]. He went out of his way to say sorry kay Noy. And he said sorry to me. Sabi ko, 'Wala yun, naintindihan ko.'"

Noong nakaraang national elections kasi ay ang kalaban sa pampanguluhan ni President Noynoy na si Senator Manny Villar ang inendorso at sinuportahan ni Mang Dolphy.

Pero kinalimutan na raw nina Kris ang bagay na ito bagkus ay nirerespeto niya si Mang Dolphy at ang pamilya nito dahil sa pagso-sorry at pagpapasalamat sa kanila.

Kuwento niya, "Nung binigyan siya ng award [Grand Collar of the Order of the Golden Heart Presidential Award] ni Noy and they went to MalacaƱang, sobra yung pasasalamat na ginawa nila.

"Parang they were saying na hindi na nga nila kinampanya si Noy, but Noy recognized pa his contribution to so many people. I said, dapat lang naman kasi ang laki talaga ng naibigay ni Tito Dolphy for our industry.

"You know, I respected them so much," patuloy ni Kris.

"Number one for apologizing because they didn't have to. At number two, for saying thank you kasi hindi madaling mag-thank you, ha. Maraming mayayabang na hindi marunong mag-thank you.

"Pero si Tito Dolphy is the epitome of humility. So, sana let's pray for him talaga for his good health and his success."

Dagdag pa ni Kris, sigurado naman daw na ang iba pang big stars sa MMFF entries ay nakikiisa na sana ay walang madehado sa ginaganap na film festival.

"I'm sure Vic Sotto and Senator Bong Revilla share the same sentiment na you know, haligi talaga ng industriya natin [si Tito Dolphy]. So, we should uplift each other."

Ang pelikula nina Vic at Senator Bong na Si Agimat at Si Enteng Kabisote ang nangunguna ngayon sa takilya sa MMFF.

Marami nga ang naghahangad na sana ay umarangkada pa sa takilya ang Father Jejemon, lalo na't nagwagi pa si Mang Dolphy ng Best Actor para rito sa MMFF Awards Night. Nanalo ring Best Supporting Actor ang Comedy King para naman sa pelikulang Rosario.

Reposted From PEP (Philippine Entertainment Portal)

No comments:

Post a Comment

Followers