Una nang lumabas dito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang balita tungkol sa paglipat ng isa sa big stars ng ABS-CBN na si Aga Muhlach sa TV5.
Diumano'y pumirma na raw ng kontrata ang aktor at sa January 2011 na ito magsisimula sa TV5. (CLICK HERE to read related story.)
Kaya naman ang tungkol dito ang inusisa ng PEP nang makausap namin ang Vice President for Entertainment ng TV5 na si Perci Intalan sa presscon para sa regional expansion ng Kapatid network na ginanap pa sa Lenox Hotel sa Dagupan City, Pangasinan, noong Sabado, December 18.
Kasama rin sa naturang presscon sina TV5 COO Bobby Barrero at Head of Provincial Operations Raul dela Cruz.
Pumirma na ba talaga si Aga ng kontrata sa TV5?
"Masyado pa kasing maaga para pag-usapan yang mga ganyan," sabi ni Sir Perci.
"Kung may ia-announce man kami, gusto namin in a big way.
"Kasi pag in-announce namin ng paunti-unti, nawawalan na ng impact, kung may ia-announce kaming malaki," tila bitin na pahayag ni Perci.
Gaano ba katotoo yung mga nababalitang mga artista at TV executives na lilipat daw sa TV5?
"Alam n'yo, pag may naiisyung ganyan na may lilipat na artista para mapag-usapan, at saka may mga executives daw na magta-transfer, I would say na 30 to 40 percent doon totoo.
"The rest, nagugulat lang kami," saad ng network executive.
Ano ang reaksiyon ng TV5 sa bagay na ito na parang nagagamit silang leverage ng ibang artista?
"Kami, we know naman na that's how the business works. Kanya-kanyang side lalo na pag magne-negotiation or something.
"But also sometimes, ito rin ang pinagsisimulan ng intriga. So, sometimes nakita lang, pumunta lang, or nakausap ako o kausap si Nay Cristy [Fermin], o kung sino, ayan na, natsismis na lilipat daw sa TV5.
"Kami as a network, ang stand namin, well, salamat napag-uusapan kami.
"Salamat at ganun kalaki ang tingin sa amin ng industriya, na pag mayroong nag-iisip umalis o nag-iisip mag-iba ng environment, kami kaagad ang nasa isip.
"Hindi na lang ABS ngayon or GMA, e. Ang iniisip nila, TV5 kaagad," saad niya.
PIOLO & SARAH. Isa sa mga nabalitang lilipat umano sa TV5 ay si Piolo Pascual. Pero pinabulaanan na ito ng aktor at solid Kapamilya daw siya.
Pero tinanong pa rin namin si Sir Perci kung kasama ba sa mga hindi natuloy sa paglipat sana sa TV5 si Piolo.
"Kasi, the truth is I never met Piolo," sabi niya.
"So, again, hindi naman sarado ang pinto namin. Kasi, ganyan-ganyan din yung question dati kay Willie [Revillame], di ba?
"And that time, I really don't know him personally because I never met Willie. But eventually, nangyari naman [ang paglipat].
"So, ako, I've learned na hindi ko masasabi categorically na hindi natuloy o matutuloy, anything can happen.
"But pag nandiyan na, ia-announce na."
How about yung isyu naman ng pag-transfer daw ni Sarah Geronimo?
"Yung kay Sarah, alam ko kung saan nanggagaling. Because people think na si Boss Vic [del Rosario of Viva Entertainment] nga is always seen sa TV5. And si Sarah very well known na Viva talent.
"So, ang daming nagtatanong: 'Si Boss Vic nandiyan na, si Sarah ba lilipat?'
"I won't deny na hindi namin pinag-uusapan. But siyempre, nandoon yung biruan, nandun yung exploratory.
"But at the end of the day, may kontrata pa si Sarah sa ABS, e. So, yun.
"In the future baka, di ba?"
Mas nagiging maingat ba sila ngayon kaya hindi sila nagbibigay agad ng detalye, lalo na pag may lilipat sa kanila?
"Hindi naman sa ganun," sagot ni Sir Perci.
"Ang legal [department] naman has always advised us. And then yung presidente namin [Atty. Ray Espinosa] is a lawyer, so kinokonsulta rin namin kung puwede na bang pag-usapan yung ganitong bagay o hindi pa.
"Pero malakas din kasi ang loob namin, like kunyari dun sa mga projects na parating, di ba, ang dami-dami naming ina-announce na? Dahil nga kilala sila [mga lumilipat na artista], so we weigh that.
"And sabi namin, magli-leak at magli-leak din naman kaya might as well ia-announce na namin yung mga shows.
"And we're confident na the shows will work for us.
"Hindi namin kasi iniisip ngayon kung ano ang katapat, e. Ang iniisip namin, kung magugustuhan ba ito ng mga audience namin.
"E, yung audience naman namin, we're confident na meron nang loyal kahit papaano sa TV5. Kasi nakakapag-launch na kami ng show na nagna-number one on its first episode.
"Obviously, nanonood sila kaya mas malakas na ang loob namin."
REMAKES. Naisulat na rin dito sa PEP ang bagong shows na aabangan sa TV5 sa 2011, na ina-announce nga during the Christmas Party for the Press kamakailan. (CLICK HERE to read related story.)
Pero ang tanong ng mga press ay kung bakit marami sa mga show na ito ay movie remakes, gaya ng Utol Kong Hoodlum, Bagets, Humanap Ka Ng Panget, Babaeng Hampaslupa, P.S. I Love You, at iba pa?
"Actually, ginagawa rin naman yun ng other stations," sagot ni Sir Perci.
"Kasi itong mga movies na ito ay may recall na sa mga tao. But ang gagawin namin ay hindi lang namin ire-retell yung mga istorya.
"Like kunyari yung Bagets, new generation na, and totally bagong generation na rin ng viewers, e. So, bago yung cast, bago yung approach.
"The fact na marami kaming gagawing remakes, it doesn't mean na wala kaming gagawing original.
"Marami rin kaming gagawin and we just have to announce it yet."
Dahil napag-uusapan nga ang remakes, naitanong din ng mga press kung wala bang balak gumawa ang TV5 ng remake ng Palibhasa Lalake, o ng katulad ng format nito, lalo na't karamihan sa mga bida ng comedy show na ito ay nasa TV5 na katulad nina Richard Gomez, John Estrada, Amy Perez, at Anjo Yllana.
"Matagal na naming pinag-uusapan 'yan, e. Kaso siyempre, ayaw na muna naming i-touch yun.
"Pero sila na rin mismo nagkakaroon ng chance na magsama-sama.
"Kasi doon nga sa show ni John Estrada na Hapi Together, may time na ginest niya si Goma [Richard Gomez], si Joey [Marquez], si Anjo.
"So, baka, hindi ko masasabi kung mangyayari."
Hindi kaya magkaroon na naman ng kaso ng copyright infringement with ABS-CBN kung saan nagsimula ang Palibhasa Lalake?
"Hindi, kasi obviously it will not be the same. Yung cast though, puwede namang magsama-sama.
"Yun nga lang, hindi kami sure kung kaya namin pagsama-samahin talaga kasi, una, yung schedule nila kailangan magtugma-tugma.
"Pangalawa, malaking budget ang kailangan doon kasi ang dami nilang magsasama-sama.
"But definitely, napag-uusapan."
EXPANSIONS. Confident ang TV5 na mas titindi pa ang lakas nila dahil sa mga isinasagawa nilang expansions.
Nauna na nga rito ang regional expansion nila sa Pangasinan. Nag-kickoff ito sa live airing ng Willing Willie sa Beachfront Capitol Complex sa Lingayen, Pangasinan noong Sabado, December 18, na talagang dinumog ng libu-libong mga tao.
Marami pa raw dapat abangan sa ginagawa nilang regional expansion sa Pangasinan. Magtatayo na raw sila ng TV5 Dagupan office at Baguio news bureau.
Sa first quarter ng 2011, ang TV5 ay magkakaroon din ng local news programs at variety shows sa North Luzon, lalo na't nakapag-acquire na sila ng franchise sa Baguio.
Kaya napapanood na ang TV5 sa North Luzon areas gaya ng Baguio, Mt. Province, La Union, Tarlac, at Pangasinan via Channel 28.
Ang dalawang major areas na isusunod nila para sa kanilang regional expansion ay ang Davao at Cebu.
Sisimulan na rin ng TV5 ang kanilang international operations by first quarter ng 2011.
"Marami pa kaming gagawing expansions, improvements by 2011. Just wait and see because we're all geared up to really hit it big in 2011," sabi ni Sir Perci.
Reposted From PEP (Philippine Entertainment Portal)
No comments:
Post a Comment