Natuloy ang plano ng magkasintahang Dingdong Dantes at Marian Rivera na makapagbakasyon ng ilang araw sa ibang bansa, kasama ang ilang miyembro ng pamilya ng aktor.
Naganap ito ilang araw pagkatapos ng Pasko at bago mag-Bagong Taon.
Ayon kay Dingdong, nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) over the phone yesterday, January 3, worth it naman ang naging bakasyon nila.
"Okay naman yung naging Christmas vacation namin ni Marian. May pinuntahan kami na kasama rin namin ang ilang member ng family ko.
"Masaya. It was a much needed vacation," lahad niya.
Pero bago nag-New Year ay bumalik na sila ni Marian at dito sa Pilipinas nila sinalubong ang 2011.
"Nag-New Year's eve kami sa bahay ng tito ko. Then, tumuloy kami sa bahay ko. Doon naman kami nag-celebrate.
"Kinabukasan, nagpunta kami sa bahay nila sa Cavite. Normal. Same din ng celebration last year."
Tinanong namin kay Dingdong kung may "proposal" bang naganap sa naturang bakasyon nila.
"Gaya nga ng sabi ko, kung ano ang celebration years ago, walang pinagkaiba. Smooth lang. Walang mga ganoong kaganapan!" natatawa niyang sagot.
CHRISTMAS GIFTS. Ayaw namang i-reveal ni Dingdong kung ano ang naging Christmas gift niya kay Marian, bukod sa sinasabi niyang "life-changing gift."
Natawa siya dahil tila iba raw ang naging pakahulugan ng iba sa sinabi niyang "life-changing gift" niya.
"Well, tanungin n'yo siguro si Marian," sabi niya.
"Pero ang life-changing na ibinigay ko sa kanya, ito yung binigyan ko siya ng sponsorship ng isang bata sa Hydrocephalus Foundation. In return, she will change a life of a kid. Yun ang life-changing," paliwanag ni Dingdong.
Ang Hydrocephalus Foundation of the Philippines ay tumutulong sa mga pasyente at pamilya na apektado ng sakit na hydrocephalus.
Ano naman ang regalo sa kanya ni Marian noong Pasko?
"Yung gift niya sa akin, binigyan niya ako ng isang napakagandang relo na masasabi kong gustung-gusto ko," sagot ng aktor.
HIGHLIGHTS OF 2010. Looking back, maituturing ni Dingdong na isa sa magandang taon para sa kanya ang 2010. Hindi lang sa kanyang showbiz career at personal na buhay, kundi pati na sa kanyang mga advocacy.
"Noong nag-uumpisa ang 2010, hindi sa naniniwala ako sa hula... siguro medyo nagkaroon ng katotohanan ang ilan. May hula noon na never to endorse anybody, especially in terms of politics. May ganoong hula."
Matatandaang isa si Dingdong sa naging malaking supporter ni Pangulong Noynoy Aquino noong May 10, 2010 elections.
Dagdag ng aktor, "Pero ako kasi, mas matimbang sa akin yung commitment ko kesa sa hula. And for me, that's one of the greatest highlights siguro na maituturing ko sa taong 2010.
"Puwede kong sabihin na blockbuster movie, teleserye that ended well. Pero tingin ko, pinaka-highlight ng last year yung I campaigned.
"At hindi lang din doon nagtatatapos yun sa 2010. It will last for six years, yung commitment natin for nation-building and onwards na yun. Dapat tuloy-tuloy ang proseso.
"At bago pa magtapos ang taon," patuloy ni Dingdong, "yung pagkakaroon ng recognition in terms of my performance is also one of the highlights of 2010."
Ang tinutukoy niya rito ay ang pagkapanalo niya sa Star Awards for TV at nomination niya sa Asian TV Awards para sa pagganap niya sa Stairway to Heaven.
LOOKING FORWARD. Ngayong Year of the Rabbit, mas marami pa raw aabangan sa kanya ang mga tagasuporta niya.
"Sobrang daming promising na plano sa sarili ko and I hope na magawan ko nang maayos with the help of other people, too."
Samantala, sasalubungin ni Dingdong ang bagong taon ng isa na namang panibagong pagkilala. Isa siya sa napiling Outstanding People of 2010 for entertainment and philantrophy ng People Asia.
Sa TV naman ay mapapanood siya sa romantic-comedy series nila ni Regine Velasquez, ang I ♥ You Pare.
Reposted From PEP (Philippine Entertainment Portal)
No comments:
Post a Comment