Tuesday, November 9, 2010

A Repost From PEP (Philippine Entertainment Portal)


Willie Revillame welcomes Shalani Soledad as the "heart" of Willing Willie

Willie Revillame welcomes Shalani Soledad as the "heart" of Willing Willie
Slideshow: Showbiz Photos

Mainit na pinag-uusapan ngayon ang paglabas ni Shalani Soledad sa Willing Willie bilang pinakabagong co-host ni Willie Revillame.

Nauna nang nabasa dito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) noong Sabado, October 6, na si Shalani na nga ang bagong host sa primetime game variety show sa TV5.

Mula sa pagiging konsehal ng Valenzuela City, tatawirin na raw ng dating kasintahan ni Pangulong Noynoy Aquino ang mundo ng showbiz.

At ngayong gabi nga ay ipinakilala ni Willie si Shalani sa kanyang mga manonood bilang kasama sa programa. Live ang Willing Willie, at kinukuhanan ito sa Studio A sa main building ng TV5 sa Novaliches.

Ayon kay Willie, si Shalani na ang "heart" o puso ng Willing Willie.

Madaling naging hot topic ang balitang si Shalani na nga ang co-host ng TV5 show. Sa kasalukuyan, kasama pa rin sa Trending Topics ng Twitter ang salitang "Shalani," nagpapatunay na maraming nag-abang sa paglabas niya sa nasabing programa.

Isa sa mga dahilan nito ay ang balitang break na sina Shalani at ang dating kasintahang si Pangulong Aquino. Pinili ni Shalani na manahimik ukol sa nasabing paghihiwalay, kaya naman sabik pa rin ang tao sa kanyang mga TV appearances.

Pangalawa, marami kasing nagsasabing hindi bagay ang mahiyain at soft-spoken na si Shalani na maging co-host sa isang programang naghahatid ng ingay at excitement gabi-gabi.

Nakilala si Shalani bilang kasintahan ni Pangulong Aquino. Noong kampanya para sa pagka-Presidente ng bansa, may mga pagkakataon na kasa-kasama ni Noynoy si Shalani sa ilang mga campaign sorties. Mayroon ding mga pagkakataon na si Shalani mismo ang mag-isang nangangampanya para sa kasintahan.

Hindi bago kay Shalani ang paglabas sa telebisyon. Bago siya sumuong sa mundo ng pulitika, naging field reporter siya para sa UNTelevision. Gayunpaman, wala pa rin siyang karanasan sa pagho-host ng isang game show.

Si Willie naman ay isang kontrobersiyal na TV host. Noong mga nakaraang buwan ay madalas siya sa balita dahil sa pag-alis niya mula sa ABS-CBN, ang network na nagbigay sa kanya ng break sa pamamagitan ng noontime show na Wowowee.

Ang Willing Willie ay kahalintulad lamang ng Wowowee—pareho itong game show na ang hangarin umano ay tulungan at mapasaya ang mga mahirap na Pilipino.

PAGPAPAKILALA KAY SHALANI. Sa ganap na 6:45 p.m. ay naglakad si Willie sa gitna ng stage upang simulan ang pagpapakilala sa bagong co-host. Madilim ang studio at tahimik ang audience—lahat ng ito para mapataas ang drama ng programa.

Malumanay ang boses ni Willie habang nagsasalita.

"Magandang gabi po sa Luzon, Visayas at Mindanao, sa inyong lahat. Magandang-magandang gabi. Ngayong gabi po, hindi na ako mag-iisa sa pagbibigay ng lingkod sa inyong lahat. Yung programang Willing Willie e programa po ito ng bawat Pilipino.

"Ang pakay po ng programa ay magbigay ng saya at pag-asa sa bawat Pilipino. Nagsimula kami, at maraming pinagdaanan. Sabi ko, may soul ang programa, pero walang heart."

Ayon sa kanya, si Shalani na ang kukumpleto ng programa.

"Naghanap kami ng heart, para may heart and soul. So kumpleto na po ang programa, dahil magmula ngayong araw na ito, siguro talagang it's God's will, na makasama natin ang taong ito. Simpleng babae, ang hangad ay magbigay lang ng tulong sa kapwa Pilipino. Para sa akin, simplicity is beauty.

"Eto po, pakilala na natin. Ang heart, hindi Evangelista, heart, puso, ng programang Willing Willie. Eto po siya... Mga kababayan, please welcome, ang puso ng Willing Willie. Ms. Shalani!"

Matapos nito ay may ipinakitang slideshow ng mga larawan ni Shalani sa saliw ng kantang "Just The Way You Are" ni Bruno Mars.

Matapos ang slideshow ay lumakad na patungo sa gitna ng stage si Shalani. Agad namang nagtayuan ang audience at nagpalakpakan.

"Pagsabi ko ng pangalan mo, walang nag-uutos. Nagtayuan ang sambayanang Pilipino para sa 'yo. Mga Kapuso, Kapamilya, Kapatid, mga kababayan, ang first lady co-host ko, Shalani," pahayag ni Willie.

Halata namang kinakabahan si Shalani habang ipinapakilala ang sarili sa mga manonood.

"A, magandang gabi po sa inyong lahat. Iba pala, Willie, kapag kasama mo na silang lahat. Alam niyo, baka nagtataka po kayo kung paano po nangyari 'to. Siguro po, sa buhay 'no, minsan hindi natin alam how things will play out. Kagaya niyo rin po ako na lumalaban sa araw-araw," saad niya.

Hindi nagtagal, nangilid na ang kanyang mga luha.

"Maabot po yung... naiiyak po ako. Ganito pala 'to. Maabot po yung pangarap natin. Minsan, a, minsan dadaan po tayo sa masakit, mahirap na mga panahon, pero meron din namang saya. A, sa family ko po, maraming salamat, 'no. Thank you talaga."

Pinasalamatan ni Shalani ang kanyang mga kapamilya at mga kaibigan na sinamahan siya sa studio.

Dagdag pa niya, "At marami pa pong iba. Pasensiya na po kung hindi ko mabanggit pero, ang importante po siguro, Will, ang importante, 'no? Basta yung pagsubok, paghamon ng buhay, basta wala kang sinasaktan, wala kang tinatapakan."

Pinasalamatan din niya ang TV5 at si Willie para sa "importansya" na ibinigay sa kanya. Sagot namin ni Willie, hindi raw siya kundi ang "sambayanang Pilipino" ang may gusto na makita siya sa telebisyon.

"Alam mo, Shalani, kailangan ka ng sambayanang Pilipino. Kailangan ka namin sa programa, para mas mapalawak pa namin yung pagbibigay ng saya at tulong sa kanila... So this time, magkasama tayo. Balewala naman lahat ng ito, e, kung hindi sila ang kasama natin.

"At salamat sa pagtanggap mo, hindi naman sa amin. Ako lang ang tulay ng mga taong gustong makasma't makilala ka pa. Salamat, dahil ako lang ang naging boses nila. Pero ang totoong may hiling sa 'yo, hindi ako, kundi ang sambayanang Pilipino," saad ni Willie.

Sumang-ayon naman si Shalani sa pahayag ng TV host. "Kaya sa inyo pong lahat, maraming salamat. At siyempre, Willie, ang pinakaimportante, yung taumbayan. Kaya, halika na, pasayahin na natin sila," sagot ni Shalani.

Matapos nito ay nag-host na si Shalani para sa mga game segments ng Willing Willie tulad ng "123 Go!" at "Family Apir."

TWITTER COMMENTS. Hati naman ang opinyon ng mga manonood ukol sa paglabas ni Shalani bilang co-host sa Willing Willie. Ilang minuto matapos ang debut niya bilang host ay naging Trending Topic agad siya sa social networking site na Twitter.

Marami sa mga Twitter comments ukol kay Shalani ay nanghusga sa kanyang hosting skills. May nagsasabing kulang raw sa energy ang baguhang host, at may nagsabi ring kailangan niya ng stylist para mas maging maayos ang pananamit niya sa show.

Gayunpaman, nangibabaw pa rin ang mga humiling na mag-improve si Shalani sa mga susunod na araw. Marami rin ang pumuri sa Willing Willie dahil sa pagkuha kay Shalani—ang mahinhin na personalidad daw ang magbibigay ng "formality" at kasosyalan sa isang fast-paced at pang-masang TV show.

Hindi man naging ganun ka-successful ang unang gabi ng pagho-host ni Shalani, inaasahang makakasanayan niya ang ganitong role sa pagdaan ng panahon.

Inaasahan din na balang araw, hindi lang ang kanyang ganda at pagkamalumanay ang mangibabaw. Sana ay magdala rin siya ng tunay na saya sa manonood.

Samantala, sana ay masagot ang katanungan: Paano na ang mga katungkulan ni Shalani bilang konsehal? Hinalal siya. Kung gayon, may pananagutan sa tao.

Araw araw ang labas ng Willing Willie, at ang tanging pahinga lang ay Linggo.

Dalawang oras nga lang ito, pero nariyan pa ang rehearsals, meetings, at kung anupang outreach projects na gagawin ng show. Malaki na ng energy na hihingin ang show sa sinumang host nito, marami pa ang dapat pag-aralan ng sinumang baguhan sa hosting.

Oras ang uubusin ng lahat ng ito.

Hindi rin puwedeng sabihing dahil host ka ng isang pang-masang game show ay naninilbihan ka na bilang konsehala.

Magkaibang larangan ang dalawa.

Paano na?

Reposted From PEP (Philippine Entertainment Portal)

No comments:

Post a Comment

Followers