Wednesday, November 3, 2010

A Repost From PEP (Philippine Entertainment Portal)

Noli de Castro at Korina Sanchez, babalik na sa TV Patrol; Julius Babao at Karen Davila, sasamahan si Ces Drilon sa Bandila

Noli de Castro at Korina Sanchez, babalik na sa TV Patrol; Julius Babao at Karen Davila, sasamahan si Ces Drilon sa Bandila
Slideshow: Showbiz Photos

Opisyal na ang usap-usapan—sina Noli de Castro at Korina Sanchez na nga ang magiging news anchors ng TV Patrol, ang long-running primetime newscast ng ABS-CBN.

Ayon sa report ng ABS-CBN News ngayong umaga, November 3, sa susunod na Lunes, November 8, na ang pagbabalik nina de Castro at Sanchez sa TV Patrol.

Sasamahan nila sa nasabing programa si Ted Failon, na anchor na ng nasabing show sa kasalukuyan.

Ang mga natanggal namang anchor na sina Julius Babao at Karen Davila ay lilipat sa Bandila, ang late-night newscast program sa ABS-CBN. Sasamahan nila si Ces Drilon.

Wala namang impormasyon kung saan ililipat si Henry Omaga-Diaz, na kasalukuyang co-anchor ni Ces Drilon sa Bandila.

Optimistic ang ABS-CBN sa mga magiging pagbabago sa kanilang news programs. Sa isang statement, sinabi nito na papalakasin umano nina Noli de Castro at Korina Sanchez ang TV Patrol.

"Starting November 8, Korina Sanchez and Noli 'Kabayan' De Castro will return to television to join Ted Failon in 'TV Patrol' to form the most tried and tested news team ever assembled in the history of Philippine broadcasting," saad ng ABS-CBN.

NOLI AND KORINA. Parehong may koneksyon sa pulitika ang dalawang veteran newscasters.

Si Noli de Castro ang naging bise-presidente ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo mula 2004 hanggang 2010.

Si Korina Sanchez naman ay asawa ng dating senador na si Mar Roxas, na tumakbo bilang bise-presidente ni Presidente Noynoy Aquino noong nakaraang eleksyon.

Inaasahang papasok sa isang mahalagang katungkulan si Mar Roxas sa gobyerno ni PNOY matapos ito magpalipas ng isang taon mula nang tumakbo at matalo ito.

Nagsimula si Noli de Castro bilang radio announcer sa DWWW noong 1982. Lumipat siya sa ABS-CBN pagkatapos mapatalsik si Ferdinand Marcos sa MalacaƱang noong 1986.

Ilan sa naging programa niya sa Kapamilya network ay ang Good Morning, Philippines, Magandang Gabi Bayan, at TV Patrol.

Tumakbo at nanalo sa pagka-senador si Noli de Castro noong 2001; nakakuha siya ng mahigit 16 milyon na boto. Naging bise-presidente naman siya noong 2004.

Nagsimula naman si Korina Sanchez bilang weather girl sa isang government station noong mga 1980s. Katulad ni Noli de Castro, sumali si Korina Sanchez sa ABS-CBN matapos ang pagka-presidente ni Marcos.

Ilan sa mga naging programa ni Korina Sanchez sa ABS-CBN ay ang Magandang Umaga Po, Hoy Gising!, Balitang K, Morning Girls with Kris and Korina, at Bandila. Kasalukuyan din siyang host ng Rated K: Handa na Ba Kayo?, isang weekly magazine program sa ABS-CBN.

Nag-file ng indefinite leave si Korina Sanchez noong May 2009 para paghandaan ang kasal niya kay Mar Roxas, na noon ay nagbabalak tumakbo bilang presidente. Nagpakasal sina Korina Sanchez at Mar Roxas sa Santo Domingo Church noong October 27, 2009.

Natalo naman ni Jejomar Binay, dating mayor ng Makati City, si Mar Roxas sa vice-presidential race, ang posisyong inasam nito sa huli.

PEP REPORTS. Nauna nang naisulat dito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang mangyayaring rigodon sa ABS-CBN news programs.

Sa blog post ng talent manager na si Noel Ferrer, na inilathala sa PEP noong Friday, October 29, isinaad na nitong "logical progression" ang mangyayaring palitan sa Kapamilya news department.

Ito raw ay dala ng pag-resign noong nakaraang buwan ng batikang mamamahayag na si Maria Ressa bilang Vice President for ABS-CBN News and Current Affairs Department.

Si Maria Ressa ang nakikitang balakid noon sa pagbabalik ni Korina Sanchez sa top news anchor spot sa ABS-CBN.

Sa isang interview noong June 2010, sinabi ni Maria Ressa na hindi agad makakabalik si Korina Sanchez sa mga news programs niya sa ABS-CBN dahil may koneksyon siya sa pulitika. (CLICK HERE to read related story)

Paliwanag ni Maria Ressa, "A good rule of thumb for us is exactly what happens in government when you run for office. You campaign, and you either don't get the office or you resign in the process.

"There's a one-year rule. I think it's a good rule for us to take on because in the campaign, while Korina herself did not run for office, she also campaigned.

"It will be hard to think that she will be able to say reports on Vice President Binay. So a one-year break, and we'll assess again."

Ganun din ang sinabi ni Maria Ressa sa kaso ni Noli de Castro.

"Let me put it this way. I'm very, very happy with the anchors that we have. They work very hard to give you the news. So, at this point in time, I don't see our news anchors changing," paliwanag ni Maria Ressa.

Ito ay noong namamahala pa si Maria Ressa sa news and public affairs ng Kapamilya network. Sa kalagitnaan nitong Nobyembre, aalis na si Maria.

CHANGE IN ANCHORS & TIMESLOT? Ayon naman sa isang report sa PEP SCOOPBOX kagabi, November 2, babaguhin din ang timeslot ng TV Patrol.

Saad ng PEP SCOOPBOX: "If plans don't miscarry, a 3-way fight will happen on Monday, Nov. 8: ABS-CBN and GMA-7 will join TV5 in having their primetime newscast at 6 pm.

"Noli de Castro, Korina Sanchez and Ted Failon will head Channel 2's TV Patrol. Mike Enriquez, Mel Tiangco, and Jessica Soho will join forces for Channel 7's 24 Oras.

"Both will follow the timeslot posted by Paolo Bediones, Cheryl Cosim, and Erwin Tulfo of Aksyon on TV5. TV landscape is indeed changing because of Willing Willie."

Ito umano ang usap-usapan nang mga panahong iyon sa network.

Ang Willing Willie ay ang game-and-variety program ng kontrobersyal na TV host na si Willie Revillame sa TV5. Umeere ito mula 6:30 p.m. hanggang 8:30 p.m. nang weekdays, at 5 p.m. to 7 p.m. kapag Sabado.

Hindi karaniwan ang weekday timeslot ng Willing Willie, dahil nakasanayan na sa Philippine TV na primetime news program ang palabas sa ganoong mga oras.

Dahil sa Willing Willie, inagahan ng TV5 ang primetime newscast nilang Aksyon. Mas maaga ito nang 30 minutes sa primetime newscast ng ABS-CBN at GMA-7, na parehong nagsisimula nang 6:30 p.m.

Si Willie ay galing sa ABS-CBN, ngunit naging mapait ang pagkakaalis nito papuntang TV5. Nasa korte ngayon ang salu-salungat na mga kaso ng kampo ni Willie at ng ABS-CBN.

DENIALS FROM THE TWO NETWORKS. Sa pag-uusisa ng PEP, itinanggi ni Kane Choa, ABS-CBN PR director, na magbabago rin ang timeslot ng TV Patrol.

"Not true," sagot ni Choa sa isang text message na ipinadala niya sa PEP kanina, 11:38 a.m.

Sa isa pang entry sa PEP Scoopbox, itinanggi naman ni Jojo Aquio ng GMA News & Public Affairs Corporate Communications na babaguhin ang timeslot ng 24 Oras.

Itinanggi rin niya na sasali si Jessica Soho sa nasabing primetime newscast ng GMA-7.

Sa pinakahuling data galing sa AGB Nielsen para sa ratings noong Lunes, November 1, nangunguna pa rin ang 24 Oras sa timeslot nito, with a 12.4% audience share.

Pumapangalawa naman ang TV Patrol, with 10.2%.

Ang Willing Willie ay pumasok na pangatlo, with 8.2%.

Ang TV Patrol naman ang nanguna sa pinakahuling data ng Kantar Media-TNS noon ding Lunes, nagkamit ito ng 27.5%, samantalang ang 24 Oras ay may 20.1%.

Reposted From PEP (Philippine Entertainment Portal)

No comments:

Post a Comment

Followers