PEP: Cesar Montano returns to singing, acting via new sitcom
04/12/2011 | 09:13 PM
Binalikan muli ni Cesar Montano ang passion niya sa pagkanta. Bago kasi nadiskubre ang husay niya bilang aktor ay talagang hilig niya ang pagkanta.Although gumawa na siya ng unang album under Star Records, sa bago niyang produkto ay ang Sony Music Entertainment naman ang nagtiwala sa kanya bilang singer.
May mga kanta rin siyang nilikha para sa huli.
Pahayag ni Buboy (palayaw ni Cesar), mas alternative rock music ang kantang nasa loob ng self-titled album niya.
"May mga compositions dito na ako ang nag-compose. Yung dalawa, music and lyrics, sa akin talaga.
"Yung doon [his first album], lyrics lang, pero dito, akin yung 'Patawarin' at saka yung 'Bago Maging Bato,'" pahayag ni Cesar sa launching ng kanyang album last week.
So, inilabas muli niya ang pagiging singer bago siya naging artista?
"Oo, oo! Nandito 'yon!" natatawa niyang sabi.
Bakit binalikan niya ang pagkanta?
"Sayang, e. Sabi nga ng Diyos, you have to share your talent. Kapag hindi, if you don't share it, you don't use it, He'll get it back," katuwiran niya.
Ang resto niyang Belissimo sa Tomas Morato Ave ang siyang venue ng jamming na ginagawa niya kaya nagbalik siya sa pagkanta.
"Kasi pag tuwing iikot kami sa provinces, nahihilingan kaming kumanta. Masarap kumanta ng sariling kanta ang kinakanta mo. Nakanta ko na yung isa bago ko ni-record," banggit ni Cesar.
Ang kantang "Patawarin" daw ang favorite niya sa album. Tungkol saan ba 'yon?
"It's all about asking forgiveness dahil sobra niyang mahal yung tao... 'Baka nakukulitan ka na sa akin, so patawarin mo ako kasi totoo kitang mahal. Baka masyado na akong possessive...'"
So, kanta ba niya 'yon sa asawa niyang si Sunshine Cruz?
"Yes!" mabilis na sagot ng actor-singer.
Ano naman ang nakuha niyang fulfillment nang matapos niya ang album?
"Masarap! Masarap! Ang sarap ng feeling!" bulalas niya.
"Excited ako kung ano ang magiging reaksiyon ng tao, paano ang feedback kapag napakinggan nila ang songs ko."
Ano naman ang reaksiyon ng asawa niya nang mapakinggan ang mga kanta sa album?
"Natuwa siya. Gusto niya rin yung 'Patawarin,' pati friends ko. Gusto ko rin yung 'Pagdating ng Araw,'" sabi niya.
Pero nakahingi na naman siya ng patawad kay Sunshine, di ba?
"Oo! Araw-araw nga, humihingi ako ng tawad diyan, e!" tawa niya muli.
RELATIONSHIP WITH SUNSHINE. Kumusta naman ang pagsasama nila ni Sunshine?
"A, masaya. Enjoy! Para lang kaming... Every morning when we wake up, 'Ano ba ang gagawin natin ngayon?' Relaks lang sa bahay. Parang magkakaibigan. Barkada."
Wala nang bagyo sa buhay nila?
"Wala na. Tapos na yung ganoon. Mas importante talaga may Diyos sa gitna talaga. Hindi pupuwedeng walang God talaga. Yun ang nagba-bind sa inyo for you to jell together. Adhesive. Yun ang nagpapatibay. Pag wala 'yon, walang mararating.
"Very thankful ako. Pag Sunday, church kami. Lahat kami. We eat and pray together every morning," sabi ni Buboy.
Kaninong choice yung hindi pagiging aktibo ni Sunshine sa showbiz?
"Because we have three kids. Tatlong bata pa lang. Mahihirapan siya pag nag-showbiz pa siya. Hahanapin siya ng bata palagi. Yun ang mahirap. Mahirap na career din ang to be a mother and actress," paliwanag ni Cesar.
Gaano siya kakuntento bilang family man?
"Ako, masaya ako. I thank God that I'm happy and contented now kahit na... Nakakatuwa ang mga anak ko kahit magulo, sakit sa ulo, pero part of it. Ang sarap! Ang saya!" deklara niya.
May mga babae pa bang umaaligid sa kanya ngayon?
"Hindi mawawala 'yon. The problem is...paano ako magre-respond? I love my wife so much!" sabi ni Cesar.
BACK TO SITCOM. Pagdating naman sa kanyang acting career, muling mapapanood sa sitcom si Cesar. Nakapagsimula na siyang mag-taping ng Andres de Saya na pagsasamahan nila ni Iza Calzado.
"Sitcom muna ako. Hindi malayo sa Kaya ni Mister, Kaya ni Misis, pero excited pa rin ako sa Andres de Saya. I'm a big fan, especially kina Vic Vargas, Gloria Diaz. Hindi based doon, pero patterned after," sabi ni Cesar.
Ang Andres de Saya ay orihinal na komiks novel ni Carlo J. Caparas, at isinapelikula noong 1980 nina Vic Vargas at Gloria Diaz.
Ano ang expectations ni Cesar sa pagbabalik-comedy?
"Makikita uli ng fans namin ni Maricel Soriano ang pagku-comedy ko. But this time, si Iza Calzado ang kapareha ko," sabi ng aktor.
Sa Mayo magsisimula ang telecast ng Andres de Saya sa GMA-7.
Hindi ba niya nami-miss ang hosting?
"Nami-miss ko," pag-amin ni Cesar. "Nami-miss ko ang Singing Bee. And everybody's asking at naaano na ang tenga ko, 'Ano, kelan ang Singing Bee?' Dapat daw ibalik ko 'yon.
"Sana mabili nila ang rights dahil I believe tapos na ang contract nila sa ABS. Puwedeng bilhin at gawin ng Channel 7 'yon."
Ang Singing Bee ang dating game show na hinu-host ni Cesar sa ABS-CBN.
Pagdating naman sa pelikula, Sa Ngalan ng Pag-ibig ang next project niya. Ito ay with Sam Pinto.
"I'll be directing and I wrote the script nito. Viva and CM Films ang producers. First time. Sam Pinto na ito," banggit niya.
Kukunan daw nila ang ilang mga eksena sa China.
"We plan to shoot it sa Canton, China for ten days... Totoo, may permit kami doon.
"Working title pa lang ang Sa Ngalan ng Pag-ibig. Filipino ako dito. Iba lang ang look. OFW ako," pahayag niya.
LOOKING YOUNG. Ano naman ang sikreto niya't mukha siyang bata ngayon?
"Ayoko ng botox! Ako, I sleep early. I wake up early and I run," sabi niya.
Ilang taon na ba siya?
"I'm fine!" natatawang pag-iwas ni Cesar sa tanong.
Magkasing-tanda ba sila ni Robin Padilla?
"Younger siya. Two years yata," sagot niya.
Ano ang reaksiyon niya pag may nagsasabing "yummier" siya ngayon?
"I run every day. Natutuwa ako dahil nakakabata. Kasi the secret of being young is in running.
"Sabi pa sa radio, the scientist has just discovered the secret of fountain of youth. 'Ano kaya 'yon?' Tagal ko ngang hinintay ang sagot. Talagang running lang pala.
"Now, I'm preparing for 21K. I've joined 10K na twice, so gusto kong magkaroon ng medal," saad niya. - Philippine Entertainment Portal
Reposted From PEP (Philippine Entertainment Portal)
No comments:
Post a Comment