Simula mamayang gabi, April 9, ay hindi muna mapapanood nang live ang variety-game show ng TV5 na Willing Willie. Ito ang paunang anunsiyo ng host na si Willie Revillame sa mismong programa niya kagabi, April 8.
Bago matapos ang programa, nagkaroon pa ng mas mahabang pahayag si Willie sa harap ng audience at sa mga manonood.
"Ngayon po, nakipag-usap ako sa presidente ng TV5, si Atty. Ray Espinosa, nag-usap po kami na hanggang ngayon na lang po ako sa Willing Willie," deklara ng kontrobersiyal na TV host.
"Magpapahinga lang po muna ako. Hindi po ako nagpapaalam. Starting today, ang live namin, bukas po naka-tape na kami. Lalabas po iyon, mapapanood n'yo po iyon."
Kasabay ng pagpapahingang ito ay pag-iisipan umano ni Willie kung nararapat pa ba siyang magbalik sa pagho-host ng TV program.
Aniya, "Starting Monday po [April 11] hanggang next week, hanggang Holy Week, pag-iisipan ko po muna nang mabuti kung ako po ay magbabalik pa sa industriyang ito.
"Bigyan n'yo na lang po muna ako ng pagkakataon sa sarili ko, pag-iisipan ko po ito. Masyado po akong pinagbintangan. Maraming nagbintang sa akin nang wala po akong ginagawang masama."
CHILD ABUSE ACCUSATION. Ang huling pahayag ni Willie ay kaugnay pa rin ng kontrobersiyal na episode ng Willing Willie noong Marso 12, kung saan makailang ulit na nakitang sumasayaw ng "macho-dance routine" ang anim na taong gulang na batang lalaking si Jan-Jan Suan. (CLICK HERE to read related story.)
Dahil sa episode na ito, ilang grupo at sangay ng pamahalaan na ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa insidente. Kabilang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Commission on Human Rights (CHR), at Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga nagsasabing naabuso ang bata sa programang Willing Willie. (CLICK HERE to read related article.)
Sa kabila nito, dinepensahan ng TV host ang sarili pati na ang mismong show niya. Iginiit ni Willie na ang video na kumalat sa Internet isang linggo matapos ang nasabing insidente ay putul-putol na.
Kaya ang pakiusap niya, "Panoorin ninyong lahat ang segment ng 'Wiltime, Bigtime' kung papaano... Ni hindi ko nga alam na 'yon ang sasayawin ng bata. Pinaglaruan ko daw.
"Wala ho ni isa dito sa studio na nakaisip na may malisya doon sa batang iyon. Nakadamit 'yong bata, nakaayos 'yong bata, sumasayaw ng gano'n. Four years [old] pa lang ho si Jan-Jan, 'yon na ang sinasayaw niya sa eskuwelahan. Sa mga pa-contest, 'yon na ang sayaw ng bata."
Patuloy pa ni Willie, "Ngayon, ano ang ginawa ng DSWD? Inakusahan na agad ako, kinasuhan na agad ako ng child abuser ako. Ano ginawa ng CHR, human rights? 'Yon ho, hinusgahan agad ako na in-exploit ko 'yong bata, na-child abuse ko.
"Lahat po dito, inakusahan na ako. Sa diyaryo, lahat, dino-drawing-an pa akong monster, lahat. Kung mababasa n'yo 'yan... Hindi ko na ho 'yan nababasa lahat, kinukuwento na lang. Lahat ho, ganyan ang ginawa sa akin, lahat po ng mga taong iyan."
Pero ani Willie, hindi siya naapektuhan sa mga paninirang ito, na sa tingin niya ay gawa ng mayayaman, dahil aniya, "Ang puso ko ay nasa kanila, nasa mga mahihirap, nasa mga tao.
"Wala po kaming kasalanan. Wala po akong kasalanan," diin pa niya, "Humihingi po ako ng paumanhin sa inyo, na kung mayroon po kaming na-offend. Pero hindi po kami hihingi ng tawad kasi ho, wala po akong ginawang masama sa batang iyon. Hindi ko minolestiya ang batang iyon."
"MAGING FAIR KAYO." Sa halos tatlumpung minutong pagsasalita niya sa huling bahagi ng kanyang programa, nabanggit din ni Willie na dapat sana ay sususpendihin na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang Willing Willie. Pero hindi raw ito natuloy dahil nagpakita sila ng ilang katulad ng kontrobersiyal na insidente sa ibang TV station.
Sabi ni Willie, "Alam n'yo, dapat suspended ang show. Suspended last night [April 7] ng 20 days to 30 days, may tumawag sa akin na MTRCB sa desisyon nila. Pero ano ang nangyari? Naputol.
"Pinakita ho namin ang mga batang babaeng nagsasayaw sa Goin' Bulilit na naka-bra lang. Pinakita rin namin ang mga batang lalaki na nakalampin sa Showtime, na sumasayaw din ng katulad kay Jan-Jan."
Ang Goin' Bulilit at Showtime ay mga programang ipinapalabas sa ABS-CBN, ang dating home network ni Willie.
"Bakit kami lang?" tanong pa ng TV host. "Kung suspendihin n'yo kami, suspendihin ninyo lahat 'yan. Hindi po ba tama 'yon? Iba ho 'yong tinitingnan ninyo sa tinititigan ninyo. Maging fair kayo.
"Tandaan n'yo po ito, hindi ako titigil sa adhikaing ito. Maaring ito ay eye-opener sa atin, dapat tulungan natin ang mga bata sa kalye. Mga DSWD, kunin ninyo lahat 'yan, bigyan ninyo ng magandang buhay.
"Human Rights chairman, tinitira n'yo ako, hinuhusgahan ninyo ako, ang daming namamatay na OFWs, 'yon ang tulungan natin. Tulungan natin ang mga kababayan natin sa ibang bansa."
Hirit pa ni Willie, "Magsama-sama tayo. Huwag ninyo akong dikdikin. Hindi ako masamang tao. Ang hangad ko lang ay magpasaya at makatulong sa mga mahihirap."
"MGA ARTISTANG NAKISAWSAW." Bukod sa mga grupo at sangay ng gobyerno, hindi rin nakalimutang patutsadahan ni Willie ang mga kapwa niya celebrities na umano'y tumitira sa kanya sa microblogging site na Twitter.
"Maraming artista ang nakisawsaw. Mag-isip muna kayo bago kayo makisawsaw. Ang sakit no'n," sabi ni Willie.
Pagkatapos ay pinangalanan niya ang mga artistang ito: "'Yan si Jim Paredes ng APO, tinira ako sa Twitter. Si Aiza Seguerra, tinira ako sa Twitter. Si Agot Isidro, Lea Salonga, Mylene Dizon...sasabihin ko na lahat. Sino pa? Bianca Gonzales ng SNN.
"Susuportahan n'yo ba ang mga taong iyan? Ano ang nagawa ninyo? Ano ang nagawa ninyo sa sambayanang Pilipino?
"Si Tuesday na kasama ko rito [sa TV5]. Hindi ko maintindihan na kasama kita rito, tinira mo ako. K Brosas, Leah Navarro...sino pa?
"Kapwa tayo artista. Nakagawa ba kayo ng tulong? Nagbigay ba kayo sa Bantay Bata ng P1 million?"
Pagkatapos ay pinaalalahan sila ni Willie: "Ito, huwag kayong manghusga ng kapwa ninyo artista. Dapat magkakasama tayo. Tulungan ninyo kami kung nagkakamali kami, huwag kayong manghuhusga. Tandaan ninyo, 'yong masang Pilipino ang sumusuporta sa inyo."
Sabay inulit ni Willie, "'Yan pong mga pangalan na 'yan, winasak ang pagkatao ko sa Twitter. Jim Paredes ng APO, Lea Salonga...
"Aiza Seguerra, magpakalalaki ka! Bata ka pa, hindi ba, nagtatrabaho ka na? Hindi ba exploitation 'yon? Mag-isip ka! Tingnan n'yo muna ang sarili niyo bago kayo...
"Agot Isidro, wala ka namang anak, e, bakit mo ako gaganyanin? Alamin mo muna.
"Sino pa? Bianca Gonzales...
"Akala mo kung mga sino kayo. May natulungan ba kayong mahihirap?
"Kaya ko lang ho sinasabi ito, nagtitimpi lang ho ako, ayaw ko sanang sabihin. Pero sa Twitter ho, 'yan ang ginagawa nila, wasakin ako," saad ni Willie.
Para sa iba pang taong humusga umano kay Willie, ito ang kanyang sinabi: "Sa mga taong gumawa niyan sa akin, ang isipin n'yo 'yong mga tao sa labas, 'yong mga matatanda, mga bata, mga mahihirap. Huwag ako, huwag ako.
"Instrumento lang ako ng mga taong ito. Huwag ninyo akong kainggitan dahil ako'y hindi lumalabas sa kahit anong lugar. Lagi lang akong nandito sa studio ko, sa tahanan ko.
"Hindi ako nakikipagpaligsahan sa inyo. Huwag kayong magaling. Magaling kayo. Basta ang puso ko lang nandito sa mga mahihirap."
Sa huli ay nagbanta rin si Willie sa kanyang detractors sa Twitter: "Kung idedemanda ka ng TV5, idedemanda rin kita. Magdedemandahan tayo. Idedemanda ko ang lahat ng tumira sa akin sa Twitter. Lahat ng personal, tandaan mo 'yan!"
PULL OUT OF ADS. Isa pa sa mga naging epekto ng March 12 episode ng Willing Willie ay ang pagkansela ng ilang kumpanya ng kanilang ad placements sa programa.
Unang gumawa ng hakbang na ito ang Jollibee Food Corporations, na siyang may hawak ng isa sa mga sponsor ng Willing Willie na Mang Inasal. Sumunod dito ang Procter & Gamble Philippines at Cebuana Lhuillier.
Ang CDO Foodsphere ay nagsabi na tatapusin muna nila ang nauna nang commitment sa Willing Willie. At sa website nito mismo kagabi ay inanunsiyo nila ang pagtatapos ng kanilang sponsorship sa programa ni Willie simula ngayong araw, April 9.
Samantala, ang Unilever Philippines ay piniling ihinto ang lahat ng ad placement ng mga produkto nito sa lahat ng live game shows, at kasama rito ang Willing Willie.
Sinabi ni Willie na nasaktan siya sa mga ginawang pag-pull out ng iba pa nila mga sponsor. (CLICK HERE to read related article.)
Sabi ni Willie, "Gusto ko lang ho ulit ipaliwanag sa inyo, 'yong P&G, Procter & Gamble, ay naglabas ng statement, napakasakit po sa amin. 'Yong Inasal, nag-pull out na rin dahil nag-statement sila na, well, katulad ng P&G, Procter & Gamble po... Napakasakit ho ng ginawa nila sa amin. Medyo masyadong personal na ayaw nilang maglagay sa isang programang gano'n, 'yong behavior hindi na maganda."
Pagkatapos nito ay pinasalamatan ni Willie ang Unilever dahil sa pagiging patas daw nito.
Aniya, "Gusto ko lang magpasalamat naman po sa Unilever. Sila po ay nagpaalam sa akin kagabi ng magand... Alam n'yo, ang purpose nito ay magbigay ng saya. Gustong ibalik nila, kapag binibili 'yong produkto. Ang sabi, naglabas sila ng statement, 'Willie, aalis kami sa programa mo, pero aalis kami sa lahat ng channel. In fairness sa 'yo, para hindi ka unfair.'"
Para sa iba, ito naman ang naging hamon ni Willie: "Wala pa pong husga, e, wala pa sa kaso, ginawa n'yo na akong kriminal. Kayo nga ang lumabas diyan sa gate, magbigay kayo ng pera diya sa matatanda. Bumaba nga kayo diyan sa kanto, bigyan n'yo ang mga mahihirap diyan. 'Yon ang dapat ginagawa ninyo, hindi 'yong pinupuntirya ninyo ako. 'Yon dapat ang ginagawa ninyo."
Pinaalala rin ni Willie na ang mga manonood ng programa niya at mga sumusunod sa kanya ang ilan sa mga sumusuporta sa produkto ng mga kumpanyang nag-i-sponsor sa show.
Kuwento niya, "Tinawagan ng Technomarine sa Switzerland, tinawagan ang Unilever sa Amerika, tinawagan lahat, in-email na magbo-boycott sila sa mga produkto kapag ako raw po ay sinuportahan nila.
"Boboykotin ninyo? Ito ngang mga taong sumusuporta na 'to, binabalik lang ng mga sponsors. Sino ba ang consumers? Sino ba ang namimili?
"Kayo po ang bida dito, hindi ang mga sponsors. Kayo, dahil kung hindi kayo bibili ng mga sponsors na ito, kung hindi kayo bibili ng produkto na 'to, walang kita ang lahat ng ito."
"TULOY ANG SAYA PARA SA INYO." Sa kabila ng mga pangyayaring ito, lalo na ang pagkawala na ilan sa kanilang sponsors, nanindigan si Willie na ipagpapatuloy niya ang nasimulang adhikain.
Pagkatapos magbigay paumanhin kay TV5 Chairman Manny Pangilinan at iba pang executives ng network, sinabi ni Willie na hindi mahihinto ang pagbibigay niya ng kasiyahan sa mga tao.
Sabi pa niya, "Basta nangangako po ako, kahit wala po kaming commercials, pagbalik ko, kahit hindi kami suportahan ng kahit na sino...
"Nakausap ko po ang presidente ng TV5, kahit po isakripisyo ko na ang suweldo ko. 'Yon po ang bibigay kong papremyo at kasama ko ang TV5, itutuloy po namin.
"Lahat po ng perang makukuha namin, kahit wala kaming commercial, kahit inabandona na kami ng mga commercial, umayaw sila sa amin, umalis sila... Kahit walang isang commercial, itutuloy po namin ito.
"Ang amin pong purpose ay magbigay ng saya at pag-asa. Hihingi ako ng tulong sa aming presidente. Hihingi ako ng tulong kay Mr. Manny Pangilinan. Kahit ho daw malugi kami basta maituloy lang namin ang saya para sa inyo."
Bago tuluyang matapos ang programa, ipinaalam ni Willie na mawawala muna pansamantala sa ere ang Willing Willie.
"Maraming salamat ho sa inyo. Mawawala ho muna kami ng dalawang linggo. At kung magbabalik man kami, may panibago hong pag-asa ulit. At bibigyan namin ng proteksyon ang mga bata at mga pamilyang katulad ni Jan-Jan, kami na po ang gagawa niyan."
Reposted From PEP (Philippine Entertainment Portal)
No comments:
Post a Comment