udy Ann Santos adjusts work schedule to assure quality time with her kids
PEP – Sat, Apr 30, 2011 8:20 PM PHT
Dalawang taon nang kasal sina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo, pero tila nasa honeymoon stage pa rin ang dalawa dahil very sweet pa rin sila sa isa't isa tuwing mamamataan sa public at private functions.
Last Thursday, April 28, ay tahimik na ipinagdiwang ng mag-asawa ang kanilang anibersaryo sa pamamagitan ng paglalaro ng "video games" at isang intimate dinner.
"I think every year is getting much better at mas nagiging kumportable kami sa buhay namin as a family.
"We're always thankful naman sa bawat taon na dumadaan sa amin.
"Sabi nga namin ni Ryan, let's take it a year at a time—isa-isa muna," pahayag ni Juday kaninang hapon, April 30, nang humarap siya sa isang press conference na ginanap sa 55 Events Place sa Tomas Morato, Quezon City.
Ang nabanggit na presscon ay ipinatawag ng Del Monte Pineapples, na kasalukuyang iniendorso ng award-winning actress.
Bukas, May 1, ay magkakaroon naman ng thanksgiving mass sa tahanan nina Juday at Ryan bilang pagdiriwang ng kanilang anibersaryo at pasasalamat na rin sa lahat ng biyaya na patuloy nilang natatanggap.
"Some friends will come over to celebrate the anniversary with us," banggit niya.
"Hindi namin nagawa nung Thursday, kasi lahat may trabaho.
"Tapos hindi rin namin alam kung may makakapunta, kasi ang layo rin ng bahay namin.
"So, sabi namin, 'Sige let's do it on weekend na lang.'"
Ikinasal sina Juday at Ryan noong April 28, 2009 sa San Juan Nepomuceno Church sa San Juan, Batangas.
OPEN COMMUNICATION. Ibinahagi ni Juday ang dahilan kung bakit sa tingin niya ay maganda ang itinatakbo ng pagsasama nila ni Ryan.
"Yung pagiging open ninyo talaga, yung open sa lahat ng bagay, not only yung buhay ninyo sa loob ng bahay, kundi yung buhay ninyo rin sa labas, na nakakapagkuwentuhan kayo about everything under the sun at puwede kayo magbiruan.
"Ako, feeling ko, malaking factor yung may humor yung pagsasama. Kasi kung hindi kayo tumatawa, kung lagi lang kayong seryoso, di ba, nakakaburaot yata yun!" natatawang sabi ng aktres.
Dagdag pa ni Juday: "Malaking bagay rin yung magkaibigan din kayo. Hindi lang kayo basta mag-asawa, mag-best friend din kayo.
"Na puwede kayong mag-usap nang hindi mo idya-judge kung ano yung nangyari sa kanya nung araw na 'yon.
"Kumbaga, kung kailangan kang maging kaibigan muna, maging kaibigan ka muna.
"I think yun yung talagang nagwu-work sa amin ni Ryan ngayon.
"Kasi sobra naming nae-enjoy yung pagiging mag-asawa naming dalawa, kasi parang magbarkada lang yung tingin namin—hindi naman barkada na nag-iinuman lagi!
"Relax na relax lang kami, tapos walang masyadong rules and regulations na nakakasakal."
TIME FOR FAMILY. Aminado si Juday na hinahanap-hanap din ng katawan niya ang pag-arte sa harap ng kamera, ngayong madalang na siyang tumanggap ng showbiz projects para mapagtuunan ng pansin ang kanyang papel bilang maybahay at ina sa anak na sina Yohan at Juan Luis—o mas kilala sa nickname nito sa Lucho.
Si Yohan ay six years old na ngayon, samantalang six months old na si Lucho, na isinilang ni Juday nung October 7, 2010.
"Hindi naman po ako magsisinungaling, of course I do, I really miss acting.
"It's just that yung pagka-miss ko sa acting, hindi katulad ng pagka-miss ko sa mga anak ko pag wala ako sa bahay.
"Yung hindi ko kaya i-give up yung moment ko with my children para sa trabaho.
"Hindi naman po sa ayaw kong magtrabaho, of course I'm very thankful na maraming lumalapit sa amin ngayon.
"Ang sa akin lang, I think I would have to wait for the right and perfect project para maiwan ko muna sandali yung mga anak ko.
"Kasi para sa akin, kailangan may mas matinding dahilan para hayaan ko yung mga bata sa bahay, e."
Sa ngayon ay may upcoming TV show si Juday para sa ABS-CBN na pinamagatang Junior Master Chef.
Kung matutuloy ang plano, may nakatakda rin siyang gawing pelikula para sa taunang Metro Manila Film Festival (MMFF) na ipinagdiriwang tuwing Disyembre hanggang Enero.
May usap-usapan na dalawang proyekto ang gagawin ni Juday para sa MMFF, subalit maging ang aktres ay nagsabi na wala pang konkretong detalye tungkol sa mga pelikula na inalok para gawin niya bago matapos ang taong kasalukuyan.
Kung may isang bagay man na sigurado, ito ang kahilingan ni Juday sa mga producers na payagan siyang magkaroon ng fixed number of hours sa set para naman hindi masakripisyo ang oras at panahon niya sa pamilya.
"Basta ako, ang request ko lang ngayon sa mga producers, sabi ko po, 'Kung gagawa ako ng movie, I can only give you twelve hours of the day to work.'
"I really can't be away from the kids ng matagal na oras.
"And kung sa ibang bansa man gagawin, I have to bring the kids and kailangan i-timing yun sa sembreak ni Yohan, kasi nag-aaral na siya sa big school.
"Hindi puwedeng maiwan yung mga anak ko.
"Naku, maloloka yata ako 'pag wala sila sa tabi ko!"
Reposted From PEP (Philippine Entertainment Portal)