PEP: Sen. Bong and wife Rep. Lani to renew wedding vows on their silver anniversary
03/05/2011 | 01:57 PM
Nakipagkita ang mag-asawang Sen. Bong Revilla at Cong. Lani Mercado sa top GMA-7 executives na sina Atty. Felipe Gozon at Mr. Jimmy Duavit noong Huwebes, March 3, para hilingin kung puwede silang tumayong ninong sa kanilang renewal of vows na gagawin sa una nilang pinagkasalan sa U.S.Unang nagpakasal sina Bong at Lani sa Forest Lawn Memorial Parks & Mortuaries sa Los Angeles, California, 25 taon na ang nakararaan—noong May 28, 1985. Ngayon ay balak nilang i-celebrate ang kanilang silver wedding anniversary sa naturang lugar kung saan doon din inilibing ang King of Pop na si Michael Jackson.
Napagkasunduan ng mag-asawang artista at pulitiko na gawin ang renewal of vows sa naturang lugar sa May 10 dahil nandun ang karamihan ng mga taong magiging bahagi ng naturang okasyon.
Napaaga ang kanilang pagpapakasal uli dahil gusto nilang itaong nandun na sa U.S. ang ama ni Bong, ang dating aktor at senador na si Ramon Revilla Sr., na magbabakasyon doon dahil ang birthday wish pala nito ay magkaroon ng grand reunion doon ang mga anak niya.
Bukod sa GMA Network executives na sina Atty. Gozon, Mr. Duavit, at Ms. Wilma Galvante, ilan pa sa mga kukunin nilang ninong at ninang ay sina Mayor Alfredo Lim, Cong. Gina de Venecia, Armida Siguion-Reyna, German Moreno, Mother Lily Monteverde, at Lolit Solis.
Ang mga nabanggit ang tumayong ninong at ninang nina Sen. Bong at Rep. Lani sa kanilang church wedding sa Pilipinas na ginanap sa Imus, Cavite noong 1998.
Magiging bahagi sa entourage ang kanilang mga anak at dalawang apo, pati si John Nite na isa rin sa naging saksi sa kanilang unang pagpapakasal sa Amerika.
Inaasahan ng mag-asawa na magiging memorable ito sa kanilang lahat dahil masasaksihan na raw ito ng kanilang mga anak, at higit sa lahat si dating Sen. Ramon Revilla Sr. Ang mommy lang daw pala ni Bong ang present nung nagpakasal sila ni Lani sa Amerika.
At least ngayon, ang daddy na raw nila ang makakasaksi sa kanilang muling pagpapakasal sa U.S.
Kinukumpleto pa nina Bong at Lani ang ilang detalye ng kasal, pero kinuha na nila si Rajo Laurel upang gumawa ng wedding gown ng actress-politician. Pero nandiyan pa rin daw ang damit na isinuot niya noon sa kasal na ginawa pa ni Ruben Panes.
Si Ruben Panes daw ang nag-ayos ng kanilang wedding noon at pumili ng lugar na pagkakasalan nila. Doon din daw sa Forest Lawn Memorial Parks & Mortuaries ikinasal si dating U.S. President Ronald Reagan sa una nitong asawa.
25 YEARS. Maipagmamalaki ng mag-asawang Bong at Lani na umabot sila ng 25 years ng pagsasama sa kabila ng mga unos na pinagdaanan nila.
Ayon kay Lani, "Tested through time, sa lahat ng masasabi na talagang through sickness and in health, for richer for poorer.
"Tinanong nga nila sa amin bakit nagpakasal kami sa Forrest Lawn which is a mortuary. Yun nga ang sabi ni Sen. Bong, kasi hanggang kamatayan ang pag-iibigan namin!
"Tingin ko, after 25 years, panalangin pa rin namin na makaabot kami ng 50 to 75 years," asam pa ng kongresista.
Dugtong naman ni Bong, "Siguro ang sikreto lang naming mag-asawa ay dapat magtiwala kayo sa isa't isa. Lalo na sa akin, ang daming intriga, ang daming pagsubok, nadapa, bumangon. Natural, we're only human.
"Ang importante, yung pagmamahal sa pamilya, lalung-lalo na sa mga anak natin at lalo na ngayong lolo at lola na kami." - Gorgy Rula, PEP
Reposted From Gorgy Rula of PEP
No comments:
Post a Comment