Tuesday, May 17, 2011

A Repost From PEP (Philippine Entertainment Portal)


Marian Rivera considers starring in GMA-7's most expensive series a "challenge"

Malapit nang umere ang epicserye ng GMA-7 na Amaya, pero nakaka-tatlong taping days pa lang daw ang bida ritong si Marian Rivera.

Pero marami na raw nakunang eksena ang direktor nilang si Mac Alejandre dahil magsisimula ang kuwento nung bata pa ang karakter na ginagampanan ni Marian bilang Amaya.

"Kasi, papasok ako week two, e. Yung week one, wala ako, lahat puro bata," banggit ng aktres nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa pocket presscon na inihanda ng Kapuso network para sa mga bida ng Amaya na sina Marian Rivera, Mikael Daez, at Sid Lucero, kaninang tanghali, May 17.

Ginanap ang presscon sa Executive Lounge ng GMA Network Center sa Timog Ave., Quezon City.

Ayon kay Marian, sa Morong, Bataan pa ang location ng taping niya kahapon, May 16.

Pero bukas, May 18, ay sa Pagsanjan, Laguna naman daw ang location nila.

"Oo, madami talaga, e, madami," sagot ni Marian nang tanungin ng PEP kung bakit tila malalayo at marami silang location.

Paliwanag niya, "Pulo-pulo kunwari. Pero ang importante kasi, yung kinukunan, may dagat—magandang dagat.

"Kasi meron nga kaming Karaoka na tinatawag, na malaking bangka siya."

Ang tinutukoy ng aktres ay ang sasakyang pandagat na sadyang ginawa para sa Amaya na nagkakalaga diumano ng milyong piso.

"Nakasakay ako dun kahapon, yun yung eksena ko kahapon," banggit pa niya.

PASAWAY NA BINUKOT. Nilinaw naman ni Marian ang akala ng iba na kuwento ng mga Muslim ang Amaya dahil sa nakikitang costume ng ilang cast members sa mga larawang nailathala na. Pero ang kuwento raw nito ay base sa mga totoong pangyayari.

"Alam ko, sinaunang panahon po talaga, at itong Amaya na ito, yung pangalan, e, ginawa na lang po siguro.

"Pero yung istorya, kung ano yung nangyayari noong araw, lahat totoo.

"Kasi may mga taga-UP na may mga study sila tungkol ditto, kung paano talaga yung mga binukot.

"Yung mga binukot, e, yung mga prinsesang hindi puwedeng makita ng ibang kapwa-tao, lalo na sa ibang lugar.

"Parang kung sa alahas, e, iniingatan, tinatago, walang pwedeng makakita.

"Bilang pasaway ako, so gusto ko makakita ng ibang lugar, yung sky, yung dagat—gusto ko makita lahat.

"Kasi sa binukot, ito lang makikita, nakatakip ako all the way.

"So, ako yung binukot na pasaway!" paglalarawan ni Marian sa kanyang role.

MOST EXPENSIVE SERIES. Hindi lang miminsang inanunsiyo na ang Amaya ang "pinakamalaki, pinakamagarbo, at pinakamagastos" na seryeng ginawa sa kasaysayan ng GMA-7.

Bilang pangunahing bituin sa isang napakalaking proyekto gaya ng Amaya, hindi ba nakakaramdam ng matinding pressure si Marian sa responsibilidad na nakaatang sa kanyang balikat.

"Sa bawat primetime show na ginagawa ko, palagi naman may pressure 'yan," sagot ng tinaguriang Primetime Queen ng Kapuso network.

"Pero ang importante diyan, natsa-challenge ako, nagkakaroon ako ng project kung paano ko ie-explore na naman yung sarili ko, paano ko na naman dadalhin si Amaya, ako bilang Amaya.

"Kasi bawat serye, natatapos at natatapos, nag-iiba yung character ko.

"So, this time, lagi ko sinasabi, first time ko gagawa ng original story.

"Kasi, lagi na lang remake, e—Marimar, Dyesebel, Darna, [Babaeng Hinugot Sa Aking] Tadyang, Endless Love...lahat remake.

"So, ito yung first time ko na gagawa ng isang soap opera na original story at walang kapangyarihang nakikipaglaban.

"Kasi bawat fight scene ko, parati ako may powers. This time, wala.

"As in sariling tao, sariling training ko na makikipagsapalaran ako.

"At ako lang ang babaeng warrior na makikipaglaban sa lahat ng lalake. So, ganun kabigat," dire-diretsong pahayag ni Marian.

THE WARRIOR. Dumaan ba siya sa training para sa role niya bilang mandirigma?

"Opo, arnis," sagot niya.

"Kasi naniniwala sila na arnis daw... Kasi ang gusto lang naman nila mangyari, hindi naman maging hustler ako sa arnis, pero yung tipong tamang tindig, tamang paghawak.

"Kasi yung sword minsan, malilito ka, e, kung ano harap sa likod. Kasi halos magkapareha.

"So, tinuturo sa amin paano tamang paghawak, tamang kamay, tamang pagsugod.

"So, hindi basta-basta may espada ka...gaganun ka, hindi.

"Kasi meron daw silang mga routine na kailangan magaya namin nung araw.

"So, medyo mahirap kasi detalyado lahat, hindi ka puwedeng gumawa ng sarili mong bersyon."

LEARNING THE OLD LANGUAGE. Bukod sa pagsasanay ng arnis, ang isa pang pinagtutuunan ng pansin ni Marian ay ang pagsasalita ng malalalim na Tagalog.

"Katulad kahapon, ang daming lenguwahe na ang lalalim, na ngayon ko lang narinig.

"Na, 'kailangan ko humawak ng isang kantilan para maghiganti at sugurin ang mga kawal.' Yung mga ganun, sobrang bibigat at lalalim!

"Kumbaga, yung normal na soap opera, puwedeng swak lang, e, na, 'Ay, gusto ko mahanap yung prinsesa, sasaksakin ko siya!' Puwede naman ganun.

"Ang problema, hindi puwedeng ganun... 'Nararamdaman kong kailangan kong hawakan ang isang kantil at sugurin ang mga kawal upang ipaglaban ang ating...'

"Ganun! Parang makata, ganun kalalim.

"So, ang kantilan pala, espada ang ibig sabihin.

"Karuruk-rurukan, katas-taasan pala.

"So, parang medyo nakaka-challenge lang din, pati mga lines.

"Imbes na acting mo lang iintindihin mo, hindi, pati yung lines.

"Kasi hindi puwede magkamali kaya paulit-ulit kami..."

Nagbigay pa ng ibang halimbawa si Marian ng mga malalalim na salita na natutunan niya: "Ang tawag sa tatay, Baba. Ang tawag sa nanay, Alya. Ang tawag sa prinsesa, Bay..."

"Educational talaga—yun ang tamang term."

NO BIG DEAL. Noong mga nakaraang panayam kay Marian, madalas niyang sabihin na hindi dapat pagtuunan ng pansin ng press ang napabalitang "topless scene" niya sa Amaya.

Pero marami pa rin ang nagulat nang sa mismong teaser ng epicseryeng ito ng GMA-7 ay napanood si Marian na naka-topless. Isang kumpirmasyon na totoo nga ang napabalitang may ganung eksena ang aktres.

Ngunit hangga't maaari ay ayaw itong pagtuunan ng pansin ni Marian dahil mas marami pa raw mahahalagang bagay na dapat pag-usapan.

Aniya, "Actually ano, naging big deal yung eksena na 'yan, pero hiningi din naman sa akin ni Direk 'yan.

"Hinihingi ko din yung kooperasyon n'yo na ayaw ko na din pag-usapan yung regarding diyan sa topless.

"Kasi ang feeling ko, ang dapat pag-usapan dito, yung istorya, yung kagaganda ng cast talaga.

"Pinaghirapan yung Karaoka. Kumbaga, imagine mo, ginawa yung bangka na yun ng ilang buwan para lang magamit sa taping namin.

"Yung mga location namin, pati yung binukot na...binubuhat ako, ha.

"Alam mo, imadyinin mo yung duyan, tapos may apat na hawakan, apat na lalake nakahawak sa akin. Tapos nakaupo ako sa duyan na nakatago.

"Bawat kaming prinsesa, may ganun—si Rochelle [Pangilinan], ako, si Ms. Gina Alajar...

"Except si Ms. Lani Mercado bilang uripon siya. Uripon is alipin na nanay ko siya.

"So, lahat kami na mga prinsesa dun, lahat may sariling binukot.

"So, parang dun na lang mag-focus, huwag na dun sa istorya na nakaganun [topless].

"Kasi, hindi naman namin gagawin yung ganun kung wala nung araw na nakaganun talaga."

Nilinaw rin ni Marian na hindi naman ganun ang hitsura o costume niya sa kabuuan ng serye.

Kuwento niya, "Ako nga, kahapon, naka-prinsesa ako.

"Marami naman akong damit, e. Actually, pito ata yung damit ko, e—tatlo yung prinsesa, may alipin, may warrior...

"At yung pagiging alipin ko is tatagal lang 'yan ng isang buwan. The rest, buong istorya, warrior na ako."

Ang karamihan naman daw ng male cast ay naka-bahag.

"Iyan talaga yung hindi ko pagkakaila—lahat ng lalake, kahapon, isandaang cast 'yan, lahat nakabahag!" bulalas ni Marian.

Reposted From PEP (Philippine Entertainment Portal)

2 comments:

  1. Gosh,I miss watching pinoy drama on tv~na hook ako dati sa Pangako Sa Yo^_^

    ReplyDelete
  2. Hi Clarissa,
    Meron nga palang Pinoy channel sa Japan. Nakukuha ba ang ABS CBN at GMA 7 sa Japan? Sumusikat na rin ang TV 5 dito. Thanks for your visit and comments. God bless you all always.

    ReplyDelete

Followers