Sarah Geronimo on her decision to break her silence to YES!: "Masyado na kasing masakit para hayaan ko na lang."
Matagal ang naging pananahimik ng Pop Princess na si Sarah Geronimo hinggil sa noon ay haka-haka lang na relasyon nila ng young actor na si Rayver Cruz. Pero binasag ni Sarah ang kanyang katahimikan sa exclusive interview sa kanya ng YES! magazine na lumabas sa March 2011 issue nito.
Dito nalaman ng publiko ang totoong namagitan kina Sarah at Rayver, pati na ang pagkakabaling ng atensiyon ng young actor sa sexy star na si Cristine Reyes. Mababasa rin sa YES! ang panig ng ina ni Sarah na si Mrs. Divine Geronimo tungkol sa naging relasyon ng anak at ni Rayver.
Sa panayam ng The Buzz kay Sarah, sinabi niyang hindi naging madali ang ginawa niyang pag-amin sa YES!.
"Siyempre po, hindi madali. Noong una po talaga, ayoko po talaga. Ayoko pong pag-usapan. Ayoko pong mabulatlat pa kung anuman yung nangyari at pagpiyestahan kami, ayoko na.
"Pero, wala, e, masyado na kasing masakit para hayaan ko na lang. Para hayaan ko na lang ang ibang tao na ganituhin ako, ganituhin ang pamilya ko lalong-lalo na," pahayag niya.
Ang sunud-sunod na pagpapa-interview raw nina Cristine at Rayver ang isa sa nag-udyok kay Sarah para magpa-interview sa YES! tungkol sa naturang isyu.
"E, kasi, nagsasalita na rin sila. Para naman akong tanga kung hindi ako magsasalita, e, meron din naman akong dila. May karapatan din naman ako na ipagtanggol ang sarili ko at pamilya ko," paliwanag ng Pop Princess.
Sa ginawa niyang pag-amin, pagbasag ng kanyang katahimikan, masasabi ba niyang nakahinga na rin siya ngayon?
"Hindi completely... A, ano ba, baka naman umiyak ako diyan!" natawa na lang sabi ni Sarah, na tila nag-iisip ng tamang salitang gagamitin.
Pero sinabi ni Sarah na naging maganda ang epekto sa kanya ng kanyang pagsasalita.
"Sa akin kasi, kung masyado mong kinu-contain sa loob ang emotion mo, wala kang outlet, wala kang mapagsabihan, wala, mas naging ano ko, mas naging relax. Basta, mas okey po ako ngayon na nakakapagsalita na ako. Hindi katulad noon na itatago ko talaga, e," sabi niya.
Sa lahat daw ng pinagdaanan ni Sarah ay natuto naman siya sa mga naging experience niya.
"Ang maganda po doon, natututo tayo sa mga experiences natin. Sa mga pagkakamali natin. At yun nga, ginagawa tayong mas malakas na tao, wiser and stronger.
"So, yun, pasalamat ako sa lahat ng pinagdaanan ko. Sana maintindihan din ng mga tao na kami po ay tao lang din."
Nakapag-move on na nga ba siya sa mga nangyari sa kanila ni Rayver?
"Matagal na naman po," ang mabilis niyang sagot.
"Hindi ko lang talaga akalain na aabot sa ganito. Matagal na po akong okay."
MOVING ON. Sa nakaraang Valentine's concert ni Sarah with Martin Nievera sa Araneta Coliseum, sinabi niya na, "Hindi lahat ng gusto natin ay ibinibigay ng Diyos. Dahil ang totoo, meron siyang napakagandang plano para sa bawat isa sa atin.
"Gusto kong sabihin sa lahat ng mga anak, mga anak na babae, especially, just like our parents, God only wants the best for us as His children.
"And at the end of the day, we have to let go and move on. Dahil kapag nakapag-move on ka na, only then when true love will find its way to your heart."
Sa naging pahayag ni Sarah, ang naiisip ng marami ay ang naging karanasan nito kay Rayver ang kanyang tinutukoy.
FIRST MOVIE WITH GERALD. Napag-usapan din ang pakikipagtrabaho ni Sarah kay Gerald Anderson, na leading man niya sa next movie project niya sa Star Cinema at Viva Films.
"Nabawasan na po ang ilangan," sabi ng young singer-actress. "Kumbaga, nahahampas ko na siya. Nagagano'n ko na siya. Okay na kami. Mas kumportable na po kami sa isa't isa.
"Actually, nagulat nga po ako sa sarili ko na nabibiro ko siya. Hindi katulad noon na hindi ako nakakapagsalita. Hindi katulad noon na kinu-contain ko kung ano ang nararamdaman ko—yung tension, yung kilig. Ngayon, nasasabi ko na at mas masarap pala sa pakiramdam."
Aminado naman si Sarah na may pressure at kaba siyang nararamdaman sa first movie team-up nila ni Gerald.
Aniya, "Nandoon ang pressure ko. Nandoon ang kaba kung matatanggap ba kami ng mga tao. Yung tandem namin.
"Pero 'eto, noong ginagawa na namin ang pelikula, noong nakilala ko na ang character ko as si Roan at si Eric, yung character ni Gerald, mas gumaan na po ang pakiramdam ko, positive na lang kami."
Reposted From PEP (Philippine Entertainment Portal)